-- Advertisements --

Inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang Maritime Industry Authority (MARINA) na padalhan ng show cause order ang isang shipping line sa Minandao na labis-labis na nagtaas ng pamasahe kasunod ng mga serye ng oil price hike.

Sa isang panayam, sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na natukoy ang naturang operator na nagpataw ng 140% na taas-pamasahe sa kanilang mga ginagamit na barko.

Ayon sa kalihim, hihintayin ng ahensiya ang paliwanag ng naturang operator ukol sa pagdesisyong magpataw ng labis na pamasahe, taliwas sa panuntunang pinapayagan ng pamahalaan.

Nakahanda ang ahensiya na gumawa ng mga ligal na hakbang laban sa naturang shipping line, salig sa kapangyarihan ng DOTr.

Babala ng kalihim, maaaring patawan ng parusa ang shipping lines na lalabag sa mga patakaran ng DOTr at MARINA, lalo na kung lalampas sa 20% ang ipapataw na pagtaas ng pamasahe.

Nanindigan si Sec. Lopez na kahit deregulated ang maritime sector, hindi dapat umabot sa hindi makatwirang pamasahe ang ipapataw ng shippine lines, habang karapatan din ng gobiyerno na bantayan ang mga mananamantala sa mga krisis tulad ng kasalukuyang oil crisis na resulta ng digmaan sa Middle East.