-- Advertisements --

Ibinahagi ni Miss Grand International 2025 Emma Tiglao, ang kanyang umano’y hindi magandang karanasan sa isang seafood restaurant matapos umanong makaranas ng pambabastos mula sa isang waiter dahil sa nagkapalit na order.

Sa kanyang Facebook post nitong Sabado, Marso 14, sinabi ni Emma na kumain siya kasama ang kanyang pamilya sa isang seafood restaurant kung saan nag-order sila ng mga seafood bundle na may chili garlic, Cajun, at butter garlic sauce. Nang ihain ang pagkain, napansin nilang wala ang chili garlic sauce na kanilang inorder.

Kaya ipinaalam sa staff ang pagkakamali, ngunit sinabihan umano sila na hindi na ito maaaring palitan dahil naihanda na ang pagkain. Sa halip, nagtanong na lamang sila kung maaari silang makahingi ng kaunting chili garlic sauce sa gilid.

Aniya, inako naman ng staff ang pagkakamali at nagbigay ng chili garlic sauce bilang complimentary request, na kanila namang pinasalamatan.

Gayunpaman, habang pinapahanda na nila ang kanilang pagkain para i-takeout, sinabi umano ng waiter na humawak ng kanilang order ang katagang, “Ang kapal ng mukha.”

“In that moment, my heart started racing and my hands turned cold. I’m not someone who looks for conflict, but I also believe that respect should never be optional,” ani Emma sa kanyang post.

Binigyang-diin din niya na bilang isang business owner, lagi niyang pinapaalalahanan ang kanyang team na maging mabait at propesyonal sa mga customer kahit pa may stress sa trabaho.

Dagdag pa niya, “A single moment of disrespect can stay with someone longer than we think.”

Ayon pa kay Emma na humingi naman ng paumanhin ang assistant manager ng naturang restaurant dahil sa asal ng isang waiter.

Sa huli, umaasa si Emma na magsisilbing aral ang pangyayari para sa lahat ng nasa service industry.

“Let’s all choose patience, kindness, and respect in every interaction,” ayon pa sa post ng beauty queen.