-- Advertisements --

Umani ng pagbati si Emma Tiglao mula sa mga kapwa niya beauty queen matapos masungkit ang back-to-back win ng Pilipinas sa Miss Grand International (MGI) 2025, na ginanap sa Thailand noong Oktubre 18.

Kabilang sa mga nagpahayag ng paghanga at pagbati sina Miss Universe 2018 Catriona Gray, MJ Lastimosa, at Victoria Velasquez Vincent, gayundin ang ilang kandidata ng Miss Grand International mula sa iba’t ibang bansa.

Pinataob ni Emma ang 73 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo at tinanggap ang korona mula sa kapwa Pilipina na si CJ Opiaza, ang Miss Grand International 2024.

Sa kanyang Top 10 speech, tinalakay ni Emma ang isyu ng korapsyon sa Pilipinas, habang sa Top 5 Q&A, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas upang mapigil ang mga scammer at human trafficking.

Hindi na baguhan sa pageantry si Tiglao, na unang lumaban sa Miss Intercontinental 2019, kung saan nakapasok siya sa Top 20.