-- Advertisements --

Pinatunayan ni Emma Tiglao kung bakit siya ang tinaguriang “pinaka-ready” na kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International 2025 sa kanyang standout performance sa preliminary competition na ginanap sa Thailand, Oktubre 15.

Namangha ang mga manonood sa kanyang pasarela sa swimsuit at evening gown segments, suot ang berdeng one-piece swimsuit at pulang gown na likha ni Ryan Ablaza Uson.

Pinuri si Emma ng mga dating beauty queen tulad nina Pauline Amelinckx, Yllana Aduana, Gazini Ganados, at Karen Ibasco. “Ang galing!” ani Ibasco, habang sinabi ni Amelinckx, “She’s on fire.”

Nagpahayag din ng suporta sina Mutya Datul, Cynthia Thomalla, Shane Tormes, Aya Abesamis, at Sandra Lemonon. “Let’s go, Emms! Crown her already!” sigaw ni Abesamis.

Layunin ngayon ni Emma na makamit ang back-to-back win para sa Pilipinas matapos ang pagkapanalo ni CJ Opiaza noong 2024. Matagal nang lumalahok sa pageants si Emma simula pa noong 2012, kung saan nakapasok pa sa Top 20 ng Miss Intercontinental 2019.

Samantala gaganapin ang coronation night ng Miss Grand International 2025 sa Sabado, Oktubre 18, sa Thailand.