-- Advertisements --

Kinoronahan ang pambato ng Pampanga na si Emma Tiglao bilang Miss Grand International Philippines 2025 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi, Agosto 24.

Natalo ni Tiglao ang 28 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ipinasa ni Miss Grand International Philippines 2024 Christine Juliane “CJ” Opiaza ang korona sa Kapampangan beauty queen.

Tatangkain naman ni Tiglao na mamana mula kay Opiaza na kasalukuyang may hawak ng golden crown sa 13th edition ng Miss Grand International competition na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Oktubre 2025.

Samantala, kinoronahan din ang apat pang kandidata sa pagtatapos ng 2025 MGI Philippines pageant.

Natanggap ni Beatriz Abalajon Mclelland ng Aklan ang titulong Reina Hispanoamericana Filipinas title.

Nasungkit naman ni Nikki Buenafe ng Quezon City ang titulong Face of Beauty International Philippines habang napunta naman kay Anita Rose Gomez ng Zambales ang titulong Miss Asia Pacific International Philippines.

Sorpresang idinagdag naman ang isa pang titulo na Miss Tourism World Philippines na iginawad kay Michelle Arceo ng Taguig City.

Nagtapos naman bilang 2025 MGI Philippines 1st runner up si Margarette Briton ng Bicolandia habang second runner-up naman si Beatriz Angela Ocampo ng Rizal.

Nagsilbing hosts ng prestihiyosong beauty pageant sina reigning Miss World Asia Krishnah Gravidez kasama sina 2024 Universal Woman Maria Gigante, 2025 Universal Woman Philippines Jasmine Omay at aktor na si Drei Arias.