-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nakatakdang simulan sa Disyembre 26 hanggang 30 ang libreng COVID-19 RT-PCR tests sa mga manggawa sa isla ng Boracay.

Ayon kay Dr. Cornelio “Bong” Cuatchon Jr., ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan bahagi ito ng programa ng Department of Tourism (DOT) upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga turista na kanilang makakasalamuha.

Aniya, ipinag-utos ng DOT na regular ang gagawing swab tests sa mga tourism workers.

Naglaan ang ahensiya ng P8 milyon na pondo sa pamamagitan ng Tourism Promotions Board (TPB) na ibinigay sa Aklan Provincial Government para sagutin ang gastos sa swab tests ng mga manggagawa sa Boracay.

Kamakailan ay binigyan ng Sangguniang Panlalawigan si Governor Florencio Miraflores ng otoridad na lumagda sa isang kasunduan sa TPB para sa naturang hakbang.

Inaasahang nasa 4,000 hospitality at tourism workers ang makaka-avail ng libreng “Project RT-PCR” testing sa isla.