NAGA CITY-Kinumpirma ngayon ng Naga City Police Office (NCPO) na nagsisilbing drug dealer sa buong Bicol Region ang mga suspek na nakuhanan ng nasa P4.3M shabu sa drug operation sa Balatas, Naga City.

Kinilala ang mga maglive-in partner na mga suspek na sina Yuner Inda 39-anyos at Jamaica Dela Cruz, 23-anyos.

Sa pagharap sa mga kagawad ng media ni PCol. Felix Servita, City Director ng NCPO, sinabi nitong, mahigit sa isang taon na nilang minomonitor ang bawat galaw ng mga suspek.

Napag-alaman din na dalawang beses na itong sinubukan hulihin ngunit hindi naging matagumpay ang unang operasyon.

Ayon pa kay Servita ang mga suspek ang mismong nagdedeliver ng iligal na droga sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte hanggang Sorsogon.

Kung maaalala, nahuli ang mga ito sa anti-illegal drug operation kagabi sa Barangay Balatas kung saan nakumpiska sa mga ito ang halos nasa 700 grams ng shabu na tinatayang nasa P4.3M ang halaga.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong isasampa laban sa naturang mga suspek.