KORONADAL CITY – Sinubaybayan din ng ilang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Japan ang nangyaring insidente ng mass stabbing.

Una rito, binawian na ng buhay ang suspek sa pananaksak sa 19 katao sa isang bus station sa Kawasaki City, Japan.

Ito ang iniulat ni Bombo international correspondent Maria Cecilia Kusuhara na isang OFW sa nasabing bansa.

Base sa impormasyon na ipinaabot, kinilala lamang ang suspek sa pangalang Iwasaki, 57, na residente ng nasabing lugar.

Sa salaysay ni Kusuhara, naghihintay umano ang mga biktima sa bus kung saan karamihan sa mga ito ay mga kabataan na patungo sa kanilang mga paaralan nang dumating ang suspek at walang sabi-sabi na sinaksak ang mga tao sa lugar.

Napag-alaman na maliban sa mga tao sa paligid sinaksak din ng suspek ang mga kabataan na nasa loob ng bus.

Matapos ang pananaksak, kaagad na tumakas ang nasabing suspek.

Habang hinahabol ito, nilaslas nito ang kanyang leeg gamit ang dalawang kutsilyo.

Sa ngayon patuloy paring inaalam ng mga otoridad ang motibo sa nasabing insidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here