(Update) BACOLOD CITY – Halos 24 oras makaraang matagpuan ang bangkay sa basurahan, nahuli na ang suspek na pumatay sa pitong taong gulang na batang babae sa Victorias City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Victorias City Police Station na si Major Eduardo Corpuz, kinumpirma nito na nahuli si Mark Besa sa Ajuy, Iloilo sa pamamagitan ng joint operations ng mga pulis, dakong alas-5:00 ng hapon kahapon.

Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasang tumakas si Besa patungong Barotac Viejo, Iloilo sakay sa isang pumpboat na kanyang ninakaw sa port sa Barangay 6A sa Victorias City alas-2:00 kahapon ng madaling-araw.

Ibinenta umano ni Besa ang krudo ng pumpboat sa halagang P1,600 at pumunta ito sa kanyang pamilya sa Barangay Pili, Ajuy, Iloilo.

Naalarma ang mga residente sa Barangay 6A na may nawawalang pumpboat kaya’t humingi sila ng tulong at nakumpirma na nakita ito sa bayan ng Barotac Viejo.

Nang pumunta na ang tropa ng Victorias PNP sa nasabing bayan upang imbestigahan ang nawawalang pumpboat, nakatanggap sila ng impormasyon na nandoon na sa Ajuy ang suspek kaya’t isinagawa na ang operasyon.

Dahil sa pagtutulungan ng Barotac Viejo at Ajuy Municipal Police Station, kaagad na nahuli ang suspek sa Barangay Pili, Ajuy.

Sa ngayon, nasa Victorias City Police Station na ang suspek ngunit hindi pa pinahintulutan ang pamilya ng biktimang si Janelle Mae Didal na harapin si Besa upang maiwasan ang gulo.