-- Advertisements --

Sinuportahan ng Department of Energy (DOE) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin ang pagpapatupad ng ”Energy Efficiency and Conservation (EEC) Act” sa mga Local Government Unit (LGU).

Alinsunod sa bagong inilabas ng DILG na Memorandum Circular No. 2025-047 at inilabas na Administrative Order No. 15 s.2024, kung saan inaatasan ang mga LGU na magtalaga ng EEC Officer, bumuo ng mga Local Energy efficiency and Conservation Plan (LEECP), at magsumite ng mga ulat ng pag-konsumo ng kuryente at gasolina gamit ang Government Energy Management Program (GEMP) Online System.

Hinihikayat din ng DOE ang paggamit ng energy-efficient technologies tulad ng LED lighting at inverter-type aircon units.

Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, mahalaga ang pagtutulungan ng DOE at DILG upang isulong ang responsableng paggamit ng enerhiya, mabuting pamamahala, at pagtugon sa pagbabago ng klima.

Kaugnay nito, nagsasagawa rin ng mga workshop ang DOE upang gabayan ang mga LGU sa paggawa ng kanilang LEECP, na natapos ng matagumpay sa NCR, Batanes, Iloilo, Agusan del Norte, at Bulacan.

Layon nitong maisulong ang matagalang seguridad sa enerhiya, operasyon, at pangkalikasang pagpapanatili sa buong bansa.