Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Linggo, Abril 13, sa 20 lugar sa bansa na makararanas ng delikadong antas ng heat index na aabot mula 42°C hanggang 45°C.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Cavite, Catanduanes, Bulacan, Pangasinan, Batangas, Palawan, Iloilo, at Metro Manila, kung saan posibleng maranasan ang matinding init na may banta ng heat stroke.
Ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan batay sa kombinasyon ng temperatura at humidity.
Ayon pa sa weather bureau, ang heat index na 42°C pataas ay nasa ilalim ng “danger category,” kung saan posible ang heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Pinapayuhan naman ang publiko na iwasang magbilad sa araw lalo na sa tanghali, uminom ng maraming tubig, at magsuot ng proteksiyon tulad ng payong o sombrero.