CAUAYAN CITY – Sumuko na ang isang pulis na bumaril sa isang sundalo kaninang alas-12:36 ng madaling araw sa paradahan ng Manggahan Grill sa Alibagu, city of Ilagan.

Ang binaril ng dalawang beses ay nakilalang si Army Cpl. Richard Limon, 32, residente ng Barangay Polar, Ilagan.

Nakilala naman ang suspek na si S/Sgt Glen Mark Geronimo, 32, may-asawa, miyembro ng Isabela Police Mobile Force Company (IPMFC) at residente ng Barangay San Vicente, Ilagan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang pulis at sundalo.

Bumunot ng baril si Geronimo at binaril ng dalawang beses si Limon.

Agad isinugod sa ospital ang sundalo para malapatan ng lunas.

Tumakas naman Geronimo matapos ang pamamaril ngunit sumuko matapos ang ilang oras sa Ilagan Police Station.