Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang tanging organisasyon na legal na dapat may hawak ng armas ay mga sundalo at pulis at hindi ang alinmang rebeldeng grupo.

Ito ang binigyang diin ni AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla, bilang tugon sa pahayag ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo na idinidepensa lamang ng NPA ang kanilang mga sarili laban sa militar kaya may taglay na mga armas ang mga ito.

Sinabi ni Padilla na kailangang maipaliwanag at maintindihan ng mamamayan na sinumang grupo o indibidwal na nagtataglay o may hawak ng mga armas na walang kaukulang lisensiya ay iligal.

Aniya, andiyan ang mga sundalo at pulis para silang magpanatili ng kapayapaan at magbantay ng seguridad ng mamamayan laban sa mga grupong nagtatangkang manggulo o manakot.

Kaya kahit saan man anggulo tingnan, maituturing aniyang karahasan at labag sa batas ang mga aktibidad na ginagawa ng npa gamit ang mga armas na iligal nilang nakuha o tangan ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here