Patay ang isang sundalo habang patuloy na ginagamot sa Zamboanga City Medical Center ang isa pa matapos ang nangyaring pagsabog sa isang temporary checkpoint sa Campo Uno, Lamitan City Basilan.
Nangyari ang pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) bandang alas-8:50 ng umaga kahapon.
Ayon kay Wesmincom acting commander M/Gen. Generoso Ponio,
tatlong lalaking sakay ng motorsiklo ang nakita sa lugar kung saan nangyari ang pagsabog.
Ang dalawang sundalo ay mga tauhan ng 68th Infantry Battallion na nagbibigay seguridad sa lugar.
Sinabi ni Ponio, isa sa tatlong mga suspek ay nagawa pang paputukan ang isa sa dalawang sundalong sugatan gamit ang caliber .45 pistol habang nakuha naman ang hawak na baril ng isa pang sundalo.
Sila ay tumakas sa direksyon patungo sa Barangay Cabobo, Lamitan City.
“We will continue to intensify our efforts to identify and neutralize the perpetrators and prevent the recurrence of similar incidents,” pahayag ni Gen. Ponio.
Sa kabilang dako, ayon naman kay B/Gen. Domingo Gobway, commander ng Joint Task Force Basilan, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at pursuit operations laban sa mga suspek.
Tumanggi muna si Gobway kilalanin ang identity ng nasawing sundalo dahil hindi pa naabisuhan ang pamilya nito.