-- Advertisements --

Kinumpirma ng superstar ng Golden State Warriors na si Stephen Curry na sasali siya sa 3-Point Contest sa 2027 NBA All-Star Weekend na idaraos sa balwarte ng Phoenix.

Ginawa ni Curry ang anunsyo bago magsimula ang All-Star Game sa Inglewood, California, kung saan nagpakitang-gilas pa siya sa pamamagitan ng isang tira mula sa humigit-kumulang 40 talampakan na swak agad sa net.

Ayon kay Curry, “One hundred percent… I already scheduled it,” bilang pagtitiyak sa kanyang paglahok.

Si Curry ay dalawang beses nang nagkampeon sa naturang kompetisyon, una noong 2015 at muli noong 2021, ngunit hindi na siya muling nakasali mula noon.

Sa kasalukuyan, hawak niya ang record sa NBA ng 4,233 regular-season 3-pointers at 650 postseason treys, na nagpapatunay sa kanyang reputasyon bilang pinakamahusay na shooter sa kasaysayan ng liga.

Bukod dito, sinabi niyang susubukan niyang hikayatin ang dating kakampi na si Klay Thompson, na ngayo’y nasa Dallas Mavericks, na sumali rin sa event.

Samantala, si Damian Lillard ng Portland Trail Blazers ang kamakailang nagwagi sa 3-Point Contest ngayong 2026, na naging ikatlong beses na niyang titulo matapos ang panalo noong 2023 at 2024.

Sa kabila ng kanyang Achilles injury noong Abril 2025, matagumpay pa rin siyang nakapaglaro at nakapagtala ng kasaysayan bilang isa sa mga pinaka­dominanteng shooter sa kompetisyon.

Ang paglahok ni Curry sa 2027 ay inaasahang magdadala ng malaking interes at excitement sa mga fans, lalo’t siya ang kinikilalang mukha ng modernong three-point shooting.