Pinag-iingat ng Philippine Consulate General sa Los Angeles ang komunidad ng mga Pilipino sa Southern California dahil sa mapanganib at matagalang heat wave na nagdadala ng napakatas na temperatura sa rehiyon.
Ayon sa National Weather Service, naglabas na ng Extreme Heat Warning para sa malaking bahagi ng Los Angeles at Orange County kung saan maaaring umabot sa 102 hanggang 107 degrees Fahrenheit ang init sa ilang mga lugar ngayong katapusan ng linggo.
Dahil dito, pinayuhan ng konsulado ang mga Pilipino na manatiling hydrated, limitahan ang mga outdoor activity, at manatili sa mga cool o air-conditioned na lugar upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init.
Maaari namang pumunta sa mga pampublikong pasilidad tulad ng mga library at senior center ang mga residenteng walang aircon sa bahay, o tumawag sa 311 para sa pinakamalapit na cooling facility.
Mahigpit ding pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na huwag na huwag iiwan ang mga bata, nakatatanda, at mga alagang hayop sa loob ng nakaparadang sasakyan dahil sa mabilis na pagtaas ng temperatura rito na maaaring makamatay.
















