State of calamity, idineklara na ng Probinsya ng Cebu kasunod ng magnitude 6.9 na lindol
Unread post by STARFMCEBUNEWS » Wed Oct 01, 2025 10:25 am
State of calamity, idineklara na ng Probinsya ng Cebu kasunod ng magnitude 6.9 na lindol
Nagdelara na ang Kapitolyo na isailalim sa state of calamity ang Probinsya ng Cebu kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama kagabi, Setyembre 30.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 57 ni Governor Pamela Baricuatro, at ng isang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ngayong umaga, Oktubre 1, pormal nang idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cebu.
Ayon sa mga ulat, malaking pinsala ang naitala sa mga imprastruktura, bahay, at kalsada, lalo na sa mga bayan sa hilagang bahagi ng Cebu kagaya ng Bogo City na siyang epeicenter, San Remigio, at iba pang kalapit na lugar.
Inaasahan ding tataas pa ang bilang ng mga naapektuhang residente bunsod ng mga aftershock.
Nilalayon ng deklarasyong ito na mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa tulong, rehabilitasyon, at mga agarang aksyon para sa mga nasalanta.
Samantala, dumating na sa Bogo City ngayon ang mga medical response team para maghatid ng agarang tulong sa mga apektadong residente.
Magpapadala rin ang kalapit na Lalawigan ng Bohol ng mga medical staff para suportahan ang mga operasyon ng lalawigan.
Habang, kinumpirma ng South Cotabato Governor kay Governor Baricuatro na papunta na sa Cebu ang mga relief goods, hygiene kits, at isang medical team mula General Santos City.
Patuloy ngayon na nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu sa mga katuwang na lalawigan at ahensya upang matiyak ang napapanahong tulong at suportang medikal para sa mga taga-Bogo at iba pang apektadong lugar.