Hinimok ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang publiko nitong Sabado na suriin kung paano pinairal ng Senado ang transprarency sa bersyon nito ng P6.793-trilyong panukalang pambansang budget para sa 2026, sa pamamagitan ng pagbisita sa website ng Senado.
Ayon kay Lacson, makikita sa Senate website ang mga repormang ipinatupad ng mataas na kapulungan sa proseso ng budget, kabilang ang pagli-livestream ng mga pagdinig mula sa antas ng komite hanggang sa plenary deliberations.
Giit ni Lacson na ang Senado, na inaasahang mag-aapruba ng budget bill sa ikatlong pagbasa sa darating na linggo, ay handang panatilihin ang transparency na ito sa bicameral conference committee.
Dagdag niya, ang ganitong transparency ay magtutulak ng pananagutan sa mga nagmumungkahi ng amyenda, dahil ang mga item na lalabas na substandard o ghost ay madaling matutunton kung kanino galing.
Umaasa rin si Lacson na madala na ang mga mambabatas matapos ang flood control scandal, lalo na ngayon na marami sa kanila ang nahaharap sa kaso o posibleng makulong dahil sa mga kuwestiyonableng proyekto.














