-- Advertisements --

Hiniling ni Solicitor General Darlene Berberabe sa Korte Suprema na ibasura ang urgent manifestation ni Senator Ronald Dela Rosa na humihiling na kilalanin ng hukuman ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umano’y naglabas na ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya

Ayon kay Berberabe, ang sinabi ni Remulla sa media ay hindi opisyal na pahayag ng pamahalaan, kundi personal na impormasyon lamang na hindi maaaring ituring na ebidensya.

Giit pa ng SolGen, wala pang aktuwal na warrant mula sa ICC, kaya walang malinaw na legal na karapatan si Dela Rosa na dapat protektahan ng korte.

Matatandaan, noong Nobyembre, tinanggihan na ng Supreme Court ang petisyon ni Dela Rosa na pilitin si Remulla na ilabas ang umano’y warrant.

Sinundan ito ng urgent manifestation ng Senador na humihiling ng TRO laban sa implementasyon ng pinaghihinalaang ICC order.

Naging kontrobersyal ang isyu matapos sabihin ni Remulla sa radyo na may impormasyon siyang may warrant laban kay Dela Rosa, na nagsilbing PNP chief sa unang yugto ng drug war ng administrasyong Duterte.