-- Advertisements --

Nilinaw ng state weather bureau na nananatiling mas malakas ang Super Typhoon Yolanda kumpara sa bagyong Uwan na may potensiyal na maging isang super typhoon.

Sa press briefing ng Department of Science and Technology (DOST-PAGASA) ngayong Nobiyembre-8, nilinaw ni Weather Services chief Engr. Juanito Galang na bagaman malaki ang pagkakapareho ng dalawang bagyo, lalo na ang nangyayaring rapid intensification, nananatili posibleng hindi aniya maabot ng Uwan ang lakas na dala ng ST Yolanda.

Inihalimbawa ng opisyal ang nangyari noong Yolanda na bagaman nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay nabuo na ang malakas nitong hangin hanggang sa tuloy-tuloy pa ring nadagdagan.

Mas mabilis din aniya ang naturang bagyo kumpara sa bagyong Uwan kaya’t pagka-landfall nito sa Visayas ay maraming istruktura na ang nawasak.

Gayunpaman, hindi rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na magdudulot ang bagyong Uwan ng kahalintulad na pinsala, lalo na kung tuloy-tuloy pa rin ang paglakas nito bago ang tuluyang paglandfall.

Maaalalang nagdulot ng matinding storm surge o matataas na daluyong ang ST Yolanda noong nanalasa ito sa Visayas na isa sa mga itinuturong dahilan ng pagkasawi ng maraming mga residente.

Ayon kay Engr. Galang, magdudulot din ng matinding storm surge ang bagyong Uwan kasama ang matinding pag-ulan, kaya’t mas mainam aniyang maagang ilikas ang mga residente, lalo na sa coastal areas.