Pinuri ng United Nations ang kahandaan ng Pilipinas bago pa man ang naging pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay UN Resident and Humanitarian Coordinator Arnaud Peral, ang episyenteng paghahanda, pre-emptive evacuations at iba pang napapanahong pagresponde ay walang alinlangang nakapagsalba ng maraming buhay.
Binanggit naman ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs ang isinasagawa ng gobyerno ng Pilipinas na response at recovery efforts kasunod ng isa sa itinuturing na pinakamalaking pre-emptive evacuation na naitala sa kasaysayan ng bansa.
Matatandaan na aabot sa 1.3 milyong indibidwal ang inilikas sa 13 mula sa 18 rehiyon bago pa man mag-landfall ang Super typhoon.
Samantala, nagbabala ang UN na mas marami pang malalakas na bagyo tulad ng Uwan ang maaaring maranasan kasabay ng pag-init ng mga karagatang nakapalibot sa Pilipinas bunsod ng krisis sa klima.
Kayat binigyang diin ni UN Secretary-General deputy spokesman Farhan Haq na lubhang mahalaga ang magkakasamang paghahanda sa mga epekto ng kalamidad.















