Bukas umano si IBF welterweight champion Errol Spence Jr. na harapin si Sen. Manny Pacquiao sa pagbalik ng Pinoy ring icon sa ring sa susunod na taon.

Ayon kay Spence, isa raw malaking karangalan para sa kanya na makatunggali sa ibabaw ng ring si Pacquiao na bukod sa magiging Hall of Famer ay nakasagupa na ang ilang mga mabibigat na pangalan sa dibisyon.

Pero sa ngayon, pokus daw muna si Spence sa darating nitong boxing match kontra sa dating sparring partner ni Pacquiao na si WBC titleholder Shawn Porter sa Setyembre.

“I’m looking for the Manny Pacquiao fight after [the Shawn Porter fight],” wika ni Spence. “You mean, he’s a Hall of Famer, he’s a legend, he fought the best fighters.”

“You never know when he’ll gonna retire so I want to take that fight.”

Una rito, inihayag ni MP Promotions president Sean Gibbons na kabilang sa kanilang mga ikinokonsidera sina Porter, Danny Garcia, at Mikey Garcia para sa next fight ng fighting senator.

Gayunman, aminado naman si Gibbons na pangunahin pa rin sa nais nilang masuyo na makipagtuos muli kay Pacquiao ang dati nitong karibal na si Floyd Mayweather Jr.

Ngunit hangga’t walang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Mayweather, mananatiling imposible ang rematch nito sa eight-division world champion.