CENTRAL MINDANAO-Binuo ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang Special Investigation Task Force na mangunguna sa imbestigasyon sa pamamaril patay kay Police Lieutenant Colonel Walter Annayo.

Naatasan si Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba sa pamamagitan ng Special order 434 na mamuno sa imbestigasyon.

Tiwala si PRO-BAR Regional Director Bregadier General Samuel Rodriguez na matutukoy sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pagbaril patay kay Col. Annayo.

Matatandaan na bumaba ang opisyal sa minamaneho nitong kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang # GAL 2258 sa bahagi ng Barangay Macabiso,Sultan Mastura Maguindanao para bumili ng buko juice nang dumating ang isang kulay puting Toyota Fortuner at isa sa mga sakay nito ang namaril kay Annayo.

Tinamaan sa ulo at likod ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.

Kalilipat lamang ni Annayo sa PRO-BAR matapos patalsikin sa kanyang pwesto sa Jolo PNP nang masangkot ang kanyang mga tauhan sa pamamaril patay sa apat na Army Intelligence Officer.