Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng Special Risk Allowance sa mga frontline Public Health Workers (PHWs) sa loob ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19 outbreak.
Nakapaloob ito sa Administrative Order 28 na nilagdaan ni Pangulong Duterte ngayong araw, Abril 6, 2020.
Batay sa kautusan, ang national government agencies, government-owned and controlled corporations (GOCCs) at local government units (LGUs) ay otorisadong magbigay ng one-time COVID-19 SRA na katumbas ng 25 porsyento ng buwanang sahod ng mga public health workers na mayroong exposure sa peligro ng kalusugan at matinding sakripisyo sa gitna ng paninilbihan dahil sa COVID-19 pandemic.
Hindi naman kasali sa tatanggap ng SRA ang mga consultants o mga eksperto na sangkot sa limitado lamang na panahon para magbigay ng kaukulang serbisyo; mga manggagawang sangkot lamang sa pamamagitan ng job contracts (pakyaw); mga student workers at apprentices; at mga indibidwal o grupong sangkot lamang ang serbisyo sa pamamagitan ng COS at job orders, kabilang na ang mga barangay health workers (BHWs) na hindi naman nakatalaga sa mga ospital at healthcare facilities.
Ang pagkakaloob naman ng SRA sa mga LGUS, kabilang ang mga BHWs ay depende sa kanilang mga sanggunian at sa kakayahang pinansyal ng mga LGUs.
Nakatakdang magpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng supplemental guidelines para sa epektibong pagpapatupad ng kautusan.