-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) ang pansamantalang pagsuspinde sa Clearance Procedure sa ilalim ng Green Lane upang gawing mas simple at mas mabilis ang customs clearance para sa mga biyahero sa mga paliparan.

Sa Pilipinas kasi ang mga dumarating na pasahero ay kailangang magparehistro sa eTravel app at sagutan ang Customs Declaration Form bago pa dumating. Isang QR code ang awtomatikong nililikha para sa lahat ng pasahero, kahit mayroon o walang idedeklarang good o pera.

Pagdating sa bansa, dinidirekta ang mga pasahero sa Green Lane kung wala silang kailangang i-declare at sa Red Lane naman kung may kailangan silang i-declare.

Kaya naman simula ngayong araw, hindi na kailangang i-scan ang QR code ng mga pasahero sa Green Lane. Ang mga nasa Red Lane,  kabilang ang may deklarasyon at yung mga napili sa pamamagitan ng random, reasonable, o intelligence-based na pagsusuri ay kinakailangan na lang sumailalim sa QR code scanning at karaniwang proseso ng customs clearance.

Binigyang-diin ni Nepomuceno sa isang pulong balitaan na ipinapakita ng hakbang na ito ang pagtutok ng kagawaran sa balanseng pagsasagawa ng mas mabilis na proseso at pagpapanatili ng mandato sa seguridad ng hangganan.

Samantala, personal na sinuri rin ni Nepomuceno ang daloy ng pasahero sa Customs Arrival Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang makita ang kasalukuyang sistema at matukoy ang mga puwang para sa pagpapabuti.