Hiniling ng Department of Budget and Management at Department of Health sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa nakaraang paglalabas ng pondo para sa pagbabayad ng COVID-19 health emergency allowance.
Sa isang joint statement, sinabi ng 2 ahensiya na matitiyak ng isasagawang audit ang maayos na pag-account sa kaban ng bayan na ginugugol para sa nasabing gastusin at makakatulong sa DOH sa pag-validate at pag-consolidate ng lahat ng request at disbursements may kinalaman sa health emergency allowance.
Ayon pa sa mga ito, nasa kabuuang P121.325 billion ang inilabas ng DBM sa DOH kung saan saklaw dito ang lahat ng healthcare at non-healthcare workers na nagbigay ng serbisyo mula 2020 na kasagsagan ng pandemiya hanggang 2023.
Kabilang sa mga benepisyo na saklaw ng pondo ay ang pagbibigay ng Special Risk Allowance, Health Emergency Allowance/One COVID-19 Allowance, COVID-19 Sickness and Death Compensation, at iba pang benepisyo gaya ng meal, accommodation, and transportation allowances.
Humiling din ang DOH ng karagdagang pondo na P27.453 billion para masaklaw ang buong requirement para sa final computation ng Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) claims, na inaprubahan naman ng DBM.
Subalit sa kabila ng napapanahong pagpasa ng final at validated computation ng health emergency allowance payments bago ang deadline, nakatanggap ang DOH at DBM ng samu’t saring apela at karagdagang requests para sa health emergency allowance payments mula sa health facilities na hindi saklaw ng naunang mga inilabas na pondo.
Inihayag din ng DOH at DBM na ang ganitong sitwasyon ay lumilikha ng uncertainties kaugnay sa payment obligations ng gobyerno para sa ganitong pakay.
Samantala, sumang-ayon naman ang DOH na isapinal ang listahan ng mga recipient ng health emergency allowance upang maresolba na ang matagal ng isyu.