-- Advertisements --

Nanawagan si House Speaker Lord Allan Velasco sa mga kapwa niya mambabatas na tumulong sa pagtitiyak na ang halalan sa nalalapit na Mayo ay magiging mapayapa at eco-friendly na rin.

Ginawa ni Velasco ang naturang apela sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kagabi bago sila mag-adjourn para bigyan daan ang campaign period.

May pagkakataon aniya sa ngayon silang mga nahalal sa puwesto para magpatupad ng “meaningful change” sa kung paano isinasagawa ang pangangampanya, sa pamamaraan na ginagalang ang sanctity ng balota.

Umapela rin siya sa mga kapwa niya kongresista na mas naising sa social media at sa mga media interviews ilatag ang kanilang plataporma upang sa gayon makaiwas na rin sa mass gatherings.

Kung maari, bawasan na rin aniya ang campaign wastes para hindi na rin makadagdag pa sa problema ng bansa hinggil sa polusyon.

Ang kamara ay nakatakdang bumalik sa kanilang sesyon sa daratin na Mayo 23 hanggang Hunyo 3 bago naman ang kanilang sine die adjournment para sa third at final session ng 18th Congress.

Sa mga panahon na iyon ay magko-convene ang Senado at Kamara para maging National Board of Canvassers para sa proklamasyon naman ng incoming president at vice president.