-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na susuportahan at popondohan ng Kamara ang mga programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng milyong-milyong mahihirap na Pilipino.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag bilang reaksyon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 22.4 porsyento ang poverty incident sa bansa sa unang semestre ng 2023 kumpara sa 23.7 porsyento na naitala sa unang anim na buwan ng 2021.

Ayon sa PSA nangangahulugan ito na nabawasan ng halos 900,000 ang mga mahihirap na Pilipino.

Bukod sa pagsuporta sa mga programa ng administrasyong Marcos, sinabi ni Speaker Romualdez na mayroon ding inisyatiba ang liderato ng Kamara, mga mambabatas, at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

“We hope we can reduce poverty to a single-digit rate by the end of the term of President Ferdinand Marcos Jr., as he has set out to do when he assumed the presidency,” sabi ni Speaker Romualdez.

Kabilang sa mga programa na sinusuportahan ng Kamata ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situation, TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers), libreng pag-aaral sa kolehiyo, libreng health insurance, at pagbibigay ng cash subsidy na kabilang sa mga programa ng gobyerno upang matulungan ang mga mahihirap.

Una ng ibinunyag ni Speaker Romualdez na isinama ng Kongreso sa 2024 national budget ang P60 bilyong pondo para sa bagong programang AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita) kung saan bibigyan ng tig-P5,000 ang may 12 milyong mahihirap na pamilya na hindi kumikita ng lagpas sa P23,000 kada buwan.

Ayon kay Speaker nasa halos P500 bilyon ang halaga ng ayuda na kasama sa 2024 national budget na nilagdaan ng Pangulo kamakailan.