Ibinahagi ng Chinese Embassy sa Maynila ngayong araw ang mga video ng umano’y pagtulong ng kanilang People’s Liberation Army Navy Luyang III-class guided-missile destroyer 174 sa isang Pilipinong mangingisda noong Pasko, Disyembre 25.
Sa isang statement, sinabi ng embahada na agad binigyan ng Chinese Navy ship 174 ng humanitarian assistance ang isang distressed Philippine fishing vessel sa pinagtatalunang karagatan.
Nagbigay din ang Chinese warship personnel ng mga tubig at snacks sa mangingisdang Pinoy na stranded umano ng tatlong araw matapos magkaaberya ang makina ng kaniyang bangkang pangisda, habang kinoordina umano ang follow-up support sa Philippine Coast Guard (PCG).
Subalit, ayon kay PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela, hindi nakatanggap ang PCG ng prior information mula sa Chinese Navy kaugnay sa lokasyon o kondisyon ng mangingisdang Pilipino, na natukoy na si Larry Tumalis.
Nilinaw ni Comm. Tarriela na ligtas na naka-angkla ang mangingisda sa isang Floating Aggregate Device o payao at nagaantay na ipick-up ng kanilang mother board.
Tinawag ding “inaccurate” ng PCG official ang claim ng Chinese embassy na tatlong araw stranded ang mangingisdang Pilipino sa dagat.
Iginiit din ni Comm. Tarriela na walang lehitimong rason ang PLAN destroyer para mag-operate sa loob ng exclusive economc zone (EEZ) ng Pilipinas. Ang lokasyon aniya ng umano’y humanitarian act ng Chinese Navy ay nasa tinatayang 71 nautical miles kanluran ng Silanguin Island, Zambales na pasok sa EEZ ng bansa.
“The Philippine Coast Guard, upon receipt of the information on December 25, 2025 at around 10:55 AM, immediately deployed its vessel, BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) to conduct search and rescue operations. After three hours of search, at around 2:15 PM, the PCG successfully located Mr. Tumalis. Personnel from the Coast Guard Nursing Service and Coast Guard Medical Service, immediately rendered Mental Health and Psychosocial Support Services (MHPSS) and conducted a health assessment to ensure the overall well-being of the rescued crew member. Thereafter, the crew of FBCA Gavin and the family of Mr. Tumalis were informed of his successful rescue and that he was found to be in good condition. BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) safely and properly turned over Mr. Tumalis to the mother boat, FBCA Gavin,” saad ng PCG sa hiwalay na statement.
Samantala, bagamat kinikilala ng PCG ang pagtulong ng Chinese Navy, umaasa ang panig ng Pilipinas na hindi gamitin ng China ang naturang insidente bilang propaganda at magsilbi itong pagkilala sa buong karapatan ng mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa mga katubigan sa may Bajo de Masinloc.
Umaasa rin ang PCG na itigil ng PLAN, hindi gaya ng China Coast Guard, ang pag-endorso sa walang basehang claims ng Chinese Communist Party sa buong disputed waters base sa walang bisang “10-dash line.”











