-- Advertisements --

Inihayag ni Speaker Martin Romualdez na puno at siksik ang back-to-back engagements ang mga pulong at diskusyon ang schedule ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pagbisita sa Germany at Czech Republic.

Ito ang iginiit ni Romualdez sa gitna ng banat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na namamasyal lang si Marcos sa kanyang foreign trips.

Sa isang statement, sinabi ni Romualdez na kaliwa’t kanan ang dinadaluhang events ng pangulo na magsusulong ng pambansang interes at kapakanan ng mamamayan.

Ang mabigat na schedule ni Marcos ay patunay aniya ng kanyang commitment na pagsilbihan ang mga Pilipino at itaguyod ang kasaganaan sa international stage.

Ipinunto ng Speaker na ang dedikasyon at walang kapagurang work ethic ng punong ehekutibo ay nagdulot ng positibong epekto sa oportunidad sa ekonomiya, pagpapatibay sa diplomatic ties at paglikha ng libu-libong trabaho.

Sulit din umano ang biyahe nito dahil kabilang sa napagtagumpayan ang pagbubukas ng oportunidad ng Germany sa mga Pilipino upang mapunuan ang labor gap sa information technology, engineering, health at teaching professions.

Gayundin ang paglagda sa renewal ng Cooperation Program sa pagitan ng TESDA at Federal Institute for Vocational Education and Training habang sa Czach Republic ay itutulak na maitaas ang quota sa mga Filipino workers.