-- Advertisements --

Matapos ang ilang linggong mahigpit na deliberasyon ng plenaryo sa pambansang badyet, inaprubahan na ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pangako nito sa sambayanang Pilipino.

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 4488 o ang 2023 General Appropriations Bill.

Sa botong 289-YES, 3-NO, 0-ABSTENTION na inunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinagtibay ng mga kongresista ang House Bill 4488.

Mag-aalas nueve na kagabi ng aprubahan ang pambansang pondo at ang pag adjourn ng sesyon ng Kamara.

Ang panukalang P5.268-trilyong pambansang badyet ay naka-angkla kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang 8-Point Socioeconomic Agenda at naglalayong mapanatili ang pagbabago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga programa at proyektong magpapaunlad sa buhay ng mga Pilipino gaya sa paglikha ng mas maraming trabaho , pagbabawas ng gastos ng enerhiya, at pagtaas ng produksyon ng pagkain.

Matatandaan na “certified as urgent” ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang panukala, kaya naman naipasa ng Kamara sa ikalawa, hanggang ikatlo at huling pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Ang P5.268 trillion na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon, ang kauna-unahang national budget sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ito na rin ang itinuturing ngayon na pinaka-mataas na panukalang pambansang pondo sa kasaysayan ng bansa.

Nagagalak naman si Speaker na naipasa na ng House of Representatives ang 2023 General Appropriations Bill, na resulta ng mabusising pagsisiyasat ng kaniyang mga kasamang mambabatas at walang pagod na pakikiisa ng mga kasamahang public servants mula sa iba’t ibang ahensya sa Executive Department.

Siniguro ni Romualdez sa publiko na asahan nila na ang inilaan na bawat sentimo ay mapupunta sa bawat mamamayang Pilipino.

Samantala, pagharap ni Speaker kanyang mga kasamahan bago ang pag-adjourn ng Kongreso para sa isang maikling pahinga, ipinahayag nito ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga kasamahan para sa kanilang dedikasyon sa paggawa ng “pinakamahusay na posibleng bersyon” ng pambansang plano sa paggasta ng bansa. Hinikayat din niya ang mga ito na patuloy na magkaisa habang sila ay nagsisikap na makamit ang misyon ng Kamara na baguhin ang pandemic-battered na ekonomiya at iangat ang buhay ng mamamayang Pilipino.