Nakapagtala na ng pagbaha sa ilang parte ng Southern Luzon dahil sa ulang dala ng low pressure area (LPA) na nasa silangang bahagi ng ating bansa.

Ayon kay Pagasa forecaster Raymond Ordinario, nag-isyu kanina ng alerto sa Romblon, dahil sa na-monitor nilang malakas na ulan at pagtaas ng tubig sa ilog.

May naranasan ding malalakas na pagbuhos sa Catanduanes, Masbate, kasama na ang Burias Island at Ticao Island.

Huling namataan ang sentro ng LPA sa layong 110 km sa hilagang kanluran ng Virac, Catanduanes o 65 km sa silangan hilagang silangan ng Daet, Camarines Norte.

Hindi ito inaasahang magla-landfall sa Bicol, dahil Northern Luzon ang inaasahang tatamaan ng sentro nito.

Pero tinatayang mamaya ay magiging ganap na itong bagyo at bibigyan ng pangalang “Butchoy.”