-- Advertisements --

Muling humaharap ang ilang kandidato ngayong araw sa pagpapatuloy ng Comelec-KBP PiliPinas Forum 2021.

Unang sumalang si presidentiable Faisal Mangondato at kanyang VP candidate na si Carlos Serapio dakong alas-10:00 ng umaga.

Nagsilbi namang moderator si Maricel Halili (TV5), habang mga panelists sina Ed Lingao (One Ph) at Dennis Antenor (DZRH).

Pagsapit ng alas-11:00 naman ng umaga ay sumunod na ginisa si vice-presidential candidate at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Tumayong moderator si Bombo Elmar Acol, habang panelists naman sina Rico Hizon ng CNN Philippines at Bombo Jane Buna ng Bombo Radyo Philippines.

Kabilang sa mga isyu na sinagot ni Sotto, ay kung bakit siya magiging iba sa mga nakalipas na mga naging bise-presidente ng Pilipinas.

Tiniyak naman ni Sotto na kahit hindi niya kapartido ang mananalong presidente ay hindi raw siya magiging oposisyon.

Ilan pa sa mga issue na tinalakay ni Sotto ay ang mga plano sa pagpapalago ng ekonomiya lalo na ang ayuda sa mga maliliit na negosyo, party-list system at iba pa.

Sa isyu ng e-sabong, pinuri ni Sotto ang hakbang ng Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin ito.

Binaliwala rin ng lider ng Senado ang mawawalang kikitain ng gobyerno mula sa e-sabong dahil kumpiyansa naman ito sa ibang mapagkukunan na buwis.

Magtatagal pa ang panel interviews sa ilalim ng pamamahala ng Comelec at ng KBP hanggang May 6 o Biyernes.