Aminado si Senate President Vicente Sotto III na mayroong problema sa amendments sa 2026 national budget, dahilan kung bakit naudlot ang paglusot nito sa ikalawang pagbasa kahapon.
Sa panayam, sinabi ni Sotto, naantala ang pagpasa sa second reading dahil nahihirapan sila kung paano ia-accommodate ang amyenda ng bawat senador.
Patuloy pa rin aniyang sinusuri ni Senator Sherwin Gatchalian — chairman ng Finance Committee — ang ipinadadalang individual amendments.
Tiniyak naman ni Sotto na ngayong araw ay tuluyan nang maipapasa sa ikalawang pagbasa ang 2026 budget, at maaprubahan naman sa ikatlong pagbasa sa December 9 — batay sa itinakdang schedule.
Samantala, kumpiyansa naman ang pangulo ng Senado na hindi magkakaroon ng reenacted budget — dahil maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tutol dito.
Hindi aniya papayagan ng Senado na ma-reenact sa 2026 ang 2025 national budget — na inilalarawan bilang “most corrupt budget.”
Kaya naman gagawin nila aniya ang lahat upang maapura ito at para bago matapos ang taon ay malagdaan na ng presidente ang pambansang pondo.
Nang matanong naman si Sotto kung ang minority bloc ba ang maraming reklamo dahilan kung bakit naantala ang pagpasa ng budget sa second reading, sinabi nitong may kwestiyon ang minorya — ngunit dapat magkaroon ng kompromiso pagdating sa usapin ng budget.
Samantala, bukod sa mga senador, kinumpirma ni Gatchalian, na may mga ahensya pa na nagpapabot ng last-minute letters o amyenda sa kanilang budget dahilan ng pagkaantala sa pagpasa sa ikalawang pagbasa.
Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian, wala naman daw nagpumilit sa mga kasamahan niyang senador na kailangang maipasok ang kanilang amendments.
Kampante naman si Gatchalian na mayorya ng mga senador ay na-accommodate ang kanilang isinumiteng amyenda sa panukalang 2026 national budget.















