Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan ang agarang pagpasa ng kanyang panukalang batas na naglalayong paunlarin ang kasanayan ng mga alagad ng batas sa pagsisiyasat sa krimen sa pamamagitan ng paggamit ng makabago at maka-agham na mga pamamaraan tulad ng forensic science.
Ayon kay Yamsuan, ang kanyang House Bill (HB) 2244 ay susuporta sa mga inisyatibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para patatagin ang mga hakbang sa pagpigil at pagresponde sa krimen.
Mahalaga rin na kapag may naganap na krimen, ang kapulisan ay bihasa sa paggamit ng mga makabagong paraan sa pagkuha at pagsusuri ng ebidensya.
Giit ng Kongresista, napapanahon ang panukalang batas lalo na ngayong umuunlad na rin ang forensic science sa bansa, gaya ng pagkakatatag ng National Forensics Institute ng UP Manila noong Hunyo.
Sinabi ni Yamsuan panahon na rin para palitan ang mga lumang pamamaraan sa pag iimbestiga at dapat makasabay sa mabilis na pag-unlad ng agham at teknolohiya.
Ayon sa mambabatas ang pagpasa ng HB 2244 ay bahagi ng malawakang reporma sa sistemang pangkatarungan ng bansa at isang mahalagang hakbang upang mapatatag ang kakayahan ng mga tagapagpatupad ng batas sa makabagong panahon.