Inaalala ngayong Linggo ng simbahang katolika ang “Solemnity of Christ the King”, isa sa pinakabagong kapistahan sa kalendaryo ng simbahan. Itinatag ito ni Pope Pius XI noong 1925 sa pamamagitan ng kanyang encyclical Quas Primas kung saan layunin ng Santo Papa noon na paalalahanan ang mundo, sa gitna ng pag-usbong ng sekularismo at matinding nasyonalismo, na ang tunay na kapayapaan at pag-asa ay nagmumula lamang kung si Kristo ang naghahari sa puso, pamilya, at lipunan.
Una itong ipinagdiriwang tuwing Oktubre, ngunit matapos ang naging reporma ng Vatican II ito ay inilipat sa huling Linggo ng liturhikong taon. Ito ay sumusimbolo na sa pagtatapos ng buong taon na padiriwang at mga misteryo ng pananampalataya, ipinapahayag ng simabahan na si Kristo ang Alfa at Omega, ang simula at wakas ng lahat.
Sa ebanghelyo ngayong taon mula kay San Lucas, ipinapakita ang pagkakaiba ng pagiging hari ni Kristo, hindi sa kapangyarihan kundi sa krus kasama ang dalawang kriminal kung saan sakabila ng pagdurusa ay ipinikita niya ang kanyang awa sa nagsisising magnanakaw at nangakong, “ngayong araw at isasama kita sa paraiso” patunay na ang kaniyang kaharian ay nakabatay sa pagmamahal, pagpapatawad at pagliligtas.
Samantala, ang pagdiriwang na ito ay isang paanyaya para suriin ang pananampalataya kung tunay bang si Kristo ang naghahari saating buhay at kung ang pagtanggap ba sa Kanya bilang Hari ay nangangahulugang pagpapakumbaba, paglilingkod sa kapwa, at pagtitiwala sa kanyang walang hanggang awa.
















