-- Advertisements --

Nanindigan si dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na malinis ang kaniyang kunsensiya at nananatili siyang bukas at handang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Romualdez, kusa siyang humarap at sumailalim sa fact-finding process ng ICI, nanatili siya sa bansa, at boluntaryong nagbigay ng kanyang panig sa lahat ng yugto ng proseso.

Iginiit ni Romualdez na hanggang sa ngayon ay wala umanong naipakitang  kredibleng ebidensiya na nag-uugnay sa kanya sa anumang anomalya.

Iniulat din niya na ang kaso ay nasa Office of the Ombudsman na para sa mas masusing pagreview at pagsusuri. 

Ipinahayag ng kongresista ang buong pagtitiwala sa magiging imbestigasyon ng Ombudsman at naniniwalang lalabas ang katotohanan sa patas na pagbusisi ng mga rekord.

Kaninang umaga inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na inirekumenda na ng ICI at DPWH ang pagsasampa ng kaso laban kina Romualdez at Co.