-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla na nagtalaga na sila ng police tracker teams para sa pagkakasa ng manhunt operations laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at 17 na iba pa matapos na ilabas ngayong araw ang mga warrant of arrest laban sa mga naturang indibidwal.

Sa isang panayam, inihayag ni Remulla na kasalukuyan nang pinupuntahan ng mga team na ito ang mga sangkot at kabilang sa mga pinaiimbestigahan na umano’y may mga partisipasyon sa mga maanomaliyang flood control projects sa bansa.

Ani Remulla, pinupuntahan na ang mga tahanan at iba pang mga address ng mga naturang personalidad upang matiyak na masasawata at maiimplementa ang mga warrant of arrest.

Bagamat walang mga naging ibang impormasyon kung ilang grupo at kung saan na naghahanap ang mga binuong teams ay tiniyak naman ni Remulla na hakbang ito para mapabilis ang pagkakahuli sa mga personalidad na sangkot sa mga katiwalian.

Samantala, ang mga tracker team ay nauna nang itinalaga noong araw ng Martes at inaasahan na anumang oras ay may mga matutukoy nang mga indibidwal na sangkot sa korapsiyon.