-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na huling namataan si dating Congressman Zaldy Co sa bansang Japan.

Ginawa ng kalihim ang pahayag ilang oras matapos na ianunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroon nang inisyung warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pa.

Ayon sa kalihim, ngayong mayroon ng inihaing kaso laban sa dating mambabatas, maaari nang maaplay ang red notice sa International Police (Interpol).

Nakatakda namang hilingin ng DILG sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Co. Subalit sa isang statement, ipinaliwanag ng DFA na maaari lamang nilang kanselahin ang Philippine passport ng isang Filipino citizen kapag mayroong inisyung court order mula sa isang competent court sa bansa.

Nilinaw naman ni Sec. Remulla na wala silang impormasyon sa kasalukuyang kinaroonan ni Co subalit tinukoy niya ang mga nagdaang lokasyon ng dating mambabatas kabilang na ang Amerika, Europe, Singapore, Portugal, Spain at huli, sa Japan.

Samantala, sinabi din ng kalihim na titignan ng mga awtoridad ang mga address ng mga bahay ni Co sa Pilipinas sakaling nakabalik na siya sa Pilipinas.

Matatandaan, noong Setyembre ng kasalukuyang taon, lumipad patungong Amerika si Co para magpagamot.

Sa kaniyang inilabas na video statement naman sa mga nakalipas na linggo, isiniwalat ni Co na nakaplano na sana siyang umuwi ng Pilipinas pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. subalit pinigilan umano siya ni dating House Speaker Martin Romualdez na umuwi ng bansa at pinagbantaan din umano siyang papatayin siya kung magsasalita siya laban sa kanila.

Maaalala na sa mismong SONA ng Pangulo noong Hulyo, ibinunyag niya ang mga palpak at “ghost” na flood control projects at sinabihan ang mga sangkot sa maanomaliyang proyekto ng “mahiya naman kayo.”