Tumangging magbigay ng kumento si Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ukol sa naging reaksyon ni former President Rodrigo Roa Duterte sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Nang matanong kasi ang naturang kalihim ng kagawaran kung anong masasabi niya sa inihayag ng dating pangulo, tanging isinagot lamang niya ay ‘no comment’.
Bunsod ito ng sabihin o bansagan ni former President Duterte na ‘preposterous’ o kalokohan lamang ang umano’y pagkakaugnay ng ‘drug war’ sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa kasalukuyan kasi base sa mga inihayag ni Justice Secretary Remulla, nakikitaan raw ng koneksyon ang isyu ng e-sabong sa naganap na ‘war on drugs’.
Ito’y kahit pa ang sentro ng inilunsad na case buildup o imbestigasyon ay nakatuon sa mga nawawalang sabungero na aniya’y posibleng may ‘intersection’ ang dalawang magkaibang isyu.
Habang kahapon ay ipinahukay o ‘exhume’ ng naturang kalihim ang tatlong bangkay sa Batangas upang maisailalim sa mga pagsusuri.
Giit kasi ni Secretary Remulla na hindi dapat isantabi maging ang ibang kaso ng biglaang pagkawala o ‘disappearances’ bukod pa sa isyu ng mga nawawalang sabungero.