Kinumpirma ngayong araw ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na siya’y nakakuha na ng ‘Ombudsman Clearance’.
Kanyang ibinahagi ito kaugnay sa aplikasyon niya sa posisyon ‘pagka-Ombudsman’ sapagkat isa ito sa mga ‘requirements’ ng Judicial and Bar Council.
“Well it’s with the JBC already, clearance oo, nasa JBC na. Basta’t may clearance na, nasa JBC na,” ani Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Ngunit tumanggi munang magbahagi ng kasagutan ang kalihim kung tuluyang naibasura na ang mga kinakaharap nitong reklamo sa Office of the Ombudsman.
Kanya lamang sinabi na ito’y naipadala na sa Judicial and Bar Council na siyang nangunguna sa pagsusuri o pagkilatis ng mga aplikante para sa naturang posisyon.
“Basta nasa JBC, yun nalang muna. I will not conclude anything, it will be a self serving to conclude anything pero I have my clearance already,” ani DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla.
Ibig sabihin, posible at maari na siyang makasama sa ‘shortlist’ ng mga nominado ng JBC sakaling mapili sa isasagawang deliberations.