Nagpakitang-gilas si Donovan Smith sa kanyang pagbabalik upang pangunahan ang Converge FiberXers sa matinding 130-103 panalo laban sa Phoenix Fuel Masters sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup noong Linggo sa Araneta Coliseum.
Nag-bulsa si Smith ng 32 points, 13 rebounds, at 3 blocks laban sa kanyang dating koponan, at siya ang naging sentro ng opensiba ng Converge na umabot sa pinakamataas nilang puntos sa laro.
Malaki rin ang naging kontribusyon ng mga local players, kabilang sina Alec Stockton na may 16 points, habang nagpakitang-gilas din sina Justin Arana (13 points, 9 rebounds) at Justine Baltazar (15 points, 14 rebounds).
Maagang kinontrol ng Converge ang laban at umabot sa 61-46 ang kalamangan sa halftime. Sa fourth quarter, lalo pang lumayo ang agwat matapos ang sunod-sunod na scoring runs nina Smith at Juan Gomez de Liaño.
Ayon kay Converge head coach Delta Pineda, mabilis ang naging desisyon ng team na palitan ang import dahil “do-or-die,” situation at agad namang nagbunga ang performance ni Smith sa kanyang debut.
Dahil sa panalo, umangat ang Converge sa 4-6 record habang naputol ang winning streak ng Phoenix at bumagsak sa 5-4.
















