Kontrolado na ngayon ng militar ang sitwasyon sa bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao matapos mapigilan ang tangkang paglusob ng mga teroristang BIFF, habang nagpapatuloy din ang clearing operations.
Una nang nilinaw ni 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Juvymax Uy na hindi sinalakay ng BIFF ang bayan ng Datu Paglas tulad ng unang mga lumabas na balita.
Paliwanag ng heneral, may on-going operation ang militar sa tinatawag na SPMS box (Shariff Aguak, Pagatin/Datu Saudi, Mamasapano, Salibo) kung saan tinutugis ng mga tropa ng 601st Brigade ang grupo ng BIFF.
Habang umaatras aniya ang grupo ng BIFF, napadaan lang ang mga ito sa palengke ng Datu Paglas at saka kumuha ng mga supply ng pagkain hanggang sa nagpaputok at nag-iwan ng improvised explosive devices.
Ayon pa sa heneral, hindi totoo na pinasok ang munisipyo.
Wala ring nangyaring hostage taking tulad ng ilang mga ulat sa social media.
Sinabi ni Uy, walang casualties sa panig ng militar at sibilyan, bagamat may apat na ini-evacuate na naka-stretcher na hindi pa na-identify.
“Hindi ini-occupy ang market, dumaan lang, naghanap ng pagkain habang pa withdraw nagpaputok pataas kaya wala kang makitang signs na may tinamaan, wala silang target,” pahayag pa ni Maj. Gen. Uy.