Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang PNP Criminal Investigation and Detection (CIDG) hinggil sa nangyaring pamamaril sa Customs Lawyer sa Pasay City.
Sanib puwersa din ngayon ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang kaso ng pamamaril kay Atty. Joseph Samuel Zapata.
Ayon kay PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo ang Special Investigation Task Group (SITG) ang siyang nakatutok ngayon sa kaso.
Magugunitang tinambangan si Zapata habang sakay ng kaniyang puting SUV ng dalawang salaring magka-angkas sa motorsiklo habang binabagtas ang bahagi ng Macapagal blvd. sa Pasay City noong Lunes.
Ibinunyag din ni Col. Fajardo na batay sa isinagawang cross-matching sa mga bala ng baril na nakuha sa lugar kung saan binaril si Zapata ay nagtugma naman ito sa 9mm na baril na ginamit din sa tatlo pang insidente ng pamamaril sa Rizal noong January 7, January 14 at February 11.
Dagdag pa ni Col. Fajardo, na kanilang tinututukan sa isinasagawang imbestigasyon na may kinalaman sa trabaho ni Zapata bilang customs lawyer ang motibo sa krimen.
“Hindi pa nakakausap ng pulis yung biktima dahil mag-undergo ng major operation para subukan yung bala na naka embed sa kaniyang batok. Nakausap na yung pamilya ng biktima at sinasabi naman nila na walang kaaway subalit we already coordinated yung ating imbestigador, nakipag coordinate na sa Customs and ang NBI ay pumasok na rin, kasama natin sila nag-iimbestiga at titingnan natin yung possibility na ito ay work related dahil may mga hinahawakan na kaso sa Customs ang biktima,” pahayag ni Col. Fajardo.
Samantala, kinumpirma ni Fajardo na iisang baril lang ang ginamit ng salarin sa tatlong tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na kabilang sa mga tinambangan mula pa noong nakaraang Disyembre.
Ayon kay Fajardo, anim na ang tauhan ng BOC na pinuntirya mula noong Disyembre at ilan sa mga biktima ang nasawi.
Mayroon ding dalawang insidente ng paghahagis ng granada sa Customs ang naiulat.
Naisampa na ang kasong murder at possession of firearms laban sa isang suspek na bumaril at nakapatay sa isang biktima noong Enero.
Sinabi ni Fajardo na nakita ang suspek na gumagala sa paligid ng Customs habang may dalang baril noong Pebrero.
Ayon kay Fajardo lumilitaw din na ang baril na ginamit sa pamamaril sa isang abogado ng BOC noong Disyembre ay konektado rin sa isang shooting incident na nangyari sa Rizal.