Wala na sa kustodiya ng House of Representatives ang sinibak na si Bulacan first district assistant engineer Jaypee Mendoza.
Kinumpirma ito ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, ang presiding chairman ng House Infrastructure committee, na nag-iimbestiga sa maanomaliyang flood control projects ng pamahalaan.
Aniya, umalis sa kustodiya ng Kamara si Mendoza noong Setyembre 12 pa matapos siyang humiling ng permiso mula sa kapulungan para payagan siyang mabisita ang kaniyang pamilya.
Una naman ng humiling si Mendoza sa mga mambabatas sa isinagawang pagdinig ng Infra Comm para sa kaniyang seguridad dahil sa natatanggap umano niyang banta sa buhay mula sa isang hitman.
Matatandaan isa si Mendoza sa DPWH engineers na nagsiwalat ng multi-bilyong halaga ng korpasiyon sa flood control projects.
Isa din siya sa apat na kontraktor na nahaharap sa reklamong graft sa Office of the Ombudsman may kaugnayan sa maanomaliyang flood control projects sa Bulacan.