-- Advertisements --

Hinikayat ng ilang lider ng Simbahan ang lahat ng mga sangkot sa nabunyag na malawakang korapsyon sa flood control project na ibalik ang lahat ng mga ibinulsa at ninakaw na pera ng gobiyerno.

Sa forum na inorganisa ng Clergy for Good Governance, hinimok ni Rev. Msgr. Manny Gabriel ang lahat ng ‘responsable at nakibahagi’ sa naganap na malawakang korapsyon na pagsisihan ang kanilang ginawa.

Giit ni Msgr. Gabriel, ang tunay na pagsisisi ay may kasamang pagbabalik sa lahat ng mga ninanakaw.

Katwiran ng Catholic leader, walang paghilom kung walang hustisiya, kaya’t mainam lamang aniya na ibalik ng mga magnanakaw ang kanilang ninakaw upang magamit ito ng mga Pilipino na kanilang pinagnakawan.

Binigyang-diin ni Gabriel ang pangangailangang harapin ng mga ito ang batas dahil sa pagkakasalang nagawa.

Kasabay nito ay hinimok din ng grupo si Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ang Kongreso na agahan ang pagpasa sa ilang panukala na makakapagtiyak ng transparency o bukas na pamamahala sa gobiyerno.

Kabilang dito ang pagbabawal sa political dynasty, enactment ng freedom of information law, pagrebisa sa batas ukol sa partylist, atbpa.

Para kay Rev. Fr. Robert Reyes, nahaharap ngayon ang bansa sa malalaking hamon tulad ng malawakang korapsyon sa pamahalaan, tuluyang paghina ng iba’t-ibang institusyon ng gobiyerno, paghawak ng iilan sa political power o dinastiya.

Ang pagkakaisa aniya ng mga lider ng simbahan atbpang civil society organizations, ay para ipanawagan ang pagbabago at pagkakaroon ng accountability sa gobiyerno, at hindi dahil sa gusto ng mga ito na labanan ang ilang mga tao at sa halip ay dikta lamang ng kanilang pagmamahal sa bansa.