Nakatakdang pirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes, Oktubre 10 sa Malakanyang ang SIM card registration bill.
Unang nagpahayag si Executive Secretary Luis Bersamin kamakailan na malaki ang tiyansang lagdaan ng punong ehekutibo ang nasabing panukalang batas.
Dahil dito, tuloy na tuloy na ang mandatory registration ng sim card sa bansa.
Pipirmahan ng Pangulong Marcos ang panukalang batas na naglalayong mapigilan ang masasamang elemento na maisagawa ang panloloko at pagkamal ng salapi sa iligal na pamamaraan gamit ang cellphone.
Sa sandaling malagdaan na at maging ganap ng batas, magiging madali na ang pagtukoy sa mga masasamang loob na nasa likod ng text scams at online messaging gayung obligado nang irehistro ang kanilang Subscriber Identity Module o SIM.
Nitong nakaraang Martes ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang SIM Card registration bill.