-- Advertisements --

Tinukoy ng Ministry of National Defense ng China ang Pilipinas bilang umano’y pinagmumulan ng gulo at panganib sa West Philippine Sea (WPS).

Ito’y kasunod ng mas pinaigting na paninindigan ng bansa sa pagbabantay ng karagatan at pakikipag-alyansa sa mga karatig-bansa sa rehiyon.

Ayon kay Senior Colonel Zhang Xiaogang ng China’s defense ministry, ilegal umano ang ginagawang okupasyon ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group, at sinisisi ang bansa sa pagtaas ng tensyon sa pamamagitan ng mga maritime patrol at presensya sa karagatan.

Tugon ito sa naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na inihayag kamakailan na ililipat na ng Armed Forces of the Philippines ang pokus nito mula sa internal security patungo sa external defense—lalo na’t hindi umano humihinto ang agresibong kilos ng China sa WPS.

Giit ni Teodoro, labag sa international law ang nine-dash line claim ng China, at tiniyak na ipaglalaban ng administrasyong Marcos Jr. ang karapatan ng bansa sa karagatan.

Nagbabala naman ang China na magsasagawa ito ng matitinding hakbang kung magpapatuloy anila ang mga probokasyon ng Pilipinas.

Sa kabila nito, patuloy na iginigiit ng Pilipinas ang bisa ng 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea.