Papalagan ni Senadora Risa Hontiveros kung may maghain ng mosyon sa plenaryo ng Senado upang ipabasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa senadora, nananatiling premature o wala pa sa tamang panahon kung agad na pagbobotohan ang motion to dismiss sa mga inihain na articles of impeachment laban kay VP Sara.
Bagamat malinaw na tututulan niya kung may maghahain ng mosyon para i-dismiss ang mga reklamo, ayaw pangunahan ni Hontiveros ang posibilidad na may senador talagang tatayo at maghahain nito sa Agosto 6—ang napagkasunduang araw ng mga senador upang talakayin ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng articles of impeachment laban kay Duterte.
Samantala, may umiikot na draft resolution sa Senado na layong linawin ang magiging tugon ng institusyon sa desisyon ng Supreme Court kaugnay ng impeachment case laban kay VP Sara.
Ayon kay Hontiveros, lumagda siya sa naturang resolusyon, kasama ang tatlo pang senador.
Para kay Hontiveros, mas mainam kung hihintayin muna ng Senado ang motion for reconsideration na ihahain ng Kamara, pati na rin ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil dito.
Aniya, may posibilidad na baligtarin ng Korte Suprema ang kanilang naunang desisyon kung maisusumite ng Mababang Kapulungan ang motion for reconsideration.
Karaniwang common sense o makatuwiran lamang, ayon sa senadora, na hintayin ang hakbang ng Kamara at ang magiging pasya rito ng Korte Suprema bago gumawa ng anumang pinal na hakbang ang Senado.