Pumalag si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa isyung pinapakialaman umano nito ang takbo ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ICC.
Unang pumutok ang isyu matapos ang naging pahayag ng legal counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman sa isang written interview.
Nabatid na tinatrabaho umano ni Roque na kasuhan ang Dutch government dahil sa pagkakadetene ni FPRRD sa The Hague, Netherlands.
Tinawag pa ito ng abogado na “crazy scheme” dahil ang mga hakbang na ito ay tiyak lamang na makakagulo sa kaso ng kanilang kliyente.
Mas mahalaga aniya na makipag cooperate nalang sa Dutch Government sa halip na kasuhan ito para paburan ng korte ang kanilang interim release request.
Paliwanag naman ni Roque, hindi siya nakikialam sa kaso ng dating Pangulo o kaya ay naglabas ng pahayag na makakaapekto sa legal strategy ng kanilang legal team.
Katulad din aniya siya ng iba pang mga tagasuporta ng dating Pangulo na hangad na makabalik na ito ng Pilipinas.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Roque na mananatili ang kanyang suporta sa Legal Defense team ng dating pangulo.